Sa kauna-unahang pagkakataon sa 124-taong kasaysayan nito, limang kasalukuyang mahistrado ng KorteSuprema ang bumisita sa isla ng lalawigan ng Sulu noong Huwebes upang pormal na markahan ang pagsisimula ng konstruksyon ng Hall of Justice (HOJ) doon.
Pinangunahan ni Punong Mahistrado Alexander Gesmundo ang delegasyon ng Korte Suprema. Kasama niya sina Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen at mga Associate Justices na sina Jhosep Lopez, Japar Dimaampao, at Jose Midas Marquez.
Sinalubong sila nina Gobernador Abdusakur Tan II, Bise Gobernador Abdusakur Tan, Kinatawan ng Unang Distrito ng Sulu na si Samier Tan, at Kusug Tausug Party-list Rep. Aiman Tan, na kapwa nagpahayag ng paghanga at pasasalamat sa mga mahistrado para sa kanilang kauna-unahang pagbisita sa Sulu.
Ayon sa kanila, ang pagbisitang ito ay nagbibigay pag-asa sa kanilang mga anak at apo dahil ito ay simbolo na may katarungan sa isa sa mga pinaka-liblib na bahagi ng bansa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Punong Mahistrado Gesmundo na ang pagtatayo ng HOJ ay hindi lamang pagtindig ng isang pisikal na gusali, kundi isang hakbang tungo sa mas makatarungan, mas matatag, at mas puno ng pag-asa na kinabukasan para sa mga mamamayan ng Sulu, kung saan ang mga sigalot ay naaayos sa pamamagitan ng due process at rule of law, at hindi sa alitan o paghihiganti.
Kasama rin sa delegasyon si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez, Jr., na lumipad kasama ang mga mahistrado mula Zamboanga patungong Sulu sakay ng dalawang Black Hawk helicopter.
Ang bagong Hall of Justice ay itatayo sa Sulu Provincial Capitol Grounds sa Patikul, Sulu, at magtatampok ng istrukturang salamin na may neoclassical na harapan.