DAGUPAN CITY—Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kristine Soriano, Bombo International News Correspondent sa Israel, inilarawan niya ang patuloy na tensiyon sa kanilang lugar. Wala umanong tigil ang pag-alingawngaw ng mga sirena, kahit walang malinaw na babala.
Ayon kay Soriano, tuloy-tuloy rin ang missile attack mula sa Iran, na lalong nagpapataas ng pangamba sa mga residente. May ginagamit din umano na espesyal na uri ng missile na naglalaman ng hindi bababa sa sampung maliliit na missile sa loob, kaya mas mapanganib at mapanira ang epekto nito.
Kaugnay sa ultimatum ni US President Donald Trump, na pagbibigay ng 48 oras sa Iran upang buksan ang Strait of Hormuz, kung hindi ay tatargetin ang power grids nito. Ang banta umano’y nagdudulot ng matinding kawalang-katiyakan sa kanila. Sa kabila nito, tiniyak ni Soriano na mahigpit nilang sinusunod ang mga protocol at regulasyon, at nananatili ang tiwala sa kakayahan ng defense security ng Israel.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang pamahalaan ng Israel, kaya patuloy silang naghihintay ng advisory na magbibigay-linaw sa susunod na hakbang.
Habang papalapit ang pagtatapos ng 48 oras, nananatili namang alerto si Soriano. Gayunpaman, aniya, nakakatulong ang pagiging kalmado ng mga opisyal at lokal na residente upang mapanatili rin ang kanilang composure at masunod ang mga patakaran para sa kanilang kaligtasan.
Ibinahagi rin niya sa kanyang pananaw na dapat nang matigil ang mga karahasang ito, lalo na’t maraming sibilyan ang apektado. Sa huli, nanawagan si Soriano sa mga Pilipinong nasa apektadong lugar na sundin ang mga protocol at alituntunin mula sa homeland command, at higit sa lahat, patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng lahat.










