Dagupan City – Nadakip ang 44-anyos na lalaki na tricycle driver sa isinagawang search warrant operation kamakailan ng kapulisan sa Nueva Ecija partikular sa Barangay Poblacion West sa Science City of Muñoz.
Naaresto ito dahil nakuhanan ito ng baril at shabu. Sa isinagawang paghahanap ng mga pulis ay nakita sa kanyang pangangalaga ang isang Norinco 1911 Cal .45 Pistol na may anim (6) na bala, dalawang (2) plastic sachet ng shabu na may timbang na 0.5 gramo at halagang PHP3,400.00, at iba pang gamit sa droga.
Dinala naman agad sa himpilan ng kapulisan ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon.
Maaari itong maharap sa mga kaso para sa paglabag sa Republic Act 10591 at Sections 11 at 12 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) kung saan inihahanda na ito ng kapulisan.
Isa ang operasyon na ito na nagpapatunay ng aktibong pagtugis kapulisan sa lalawigan sa mga ilegal na armas lalo na’t papalapit na ang halalan sa Mayo 2025 kaya pagtitiyak ng Nueva Ecija Police Provincial Office sa publiko na patuloy ang kanilang ginagawang pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng eleksyon.