Nailigtas na ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad dito sa lungsod ng Dagupan ang isang 40 anyos na ginang na sinasabing na-kidnap sa lalawigan ng La Union.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, bandang ala-una y media ng madaling araw kanina natunton ang kinaroroonan ng biktima na kinilalang si Adora Taberna, 40 anyos, may live-in partner at residente ng Sobredillo, Caba, La Union.
Bilang resulta narin aniya ito ng pagtutulungan ng Anti- kidnapping Group ng Camp Crame, Regional Office 1 Intelligence Branch, La Union PNP at Pangasinan Provincial Office Intelligence Branch.
Dagdag pa ng opisyal, nawala ang biktima bandang ala-una ng hapon noong Agosto 9 partikular na sa bahagi ng Agoo, La Union at narescue ang biktima sa loob ng isang five star hotel dito sa lungsod.
Naipasakamay na sa pangangalaga ng Anti- Kidnapping Group sa Camp Crame, sa Quezon City ang biktima para sa malalimang imbestigasyon sa sinapit nito.