BOMBO DAGUPAN – Nahulian ng hinihinalang shabu ang 38 anyos na lalaki mula sa Brgy. Fulgosino, sa bayan ng Umingan, Pangasinan sa isinagawang Search Warrant ng mga tauhan ng Umingan Municipal Police Station sa kasong Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Executive Master Sergeant Sandy P. Bustamante, Chief Investigator, ng Umingan PNP, kinilala ang suspek na si Jonathan Tumbaga Palado, 38 taong gulang, tubong Tarlac, may live-in partner, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.

Hindi ito ang unang pagkakataon na masangkot sa iligal na droga ang suspek dahil may nauna na ring kaso ito sa bayan naman ng Asingan.

--Ads--

Kaugnay nito, nagpaalala si Bustamante na mahigpit ang kampanya laban sa droga sa kanilang bayan at huwag nang tangkain pa na gumamit nito dahil wala itong maidudulot na maganda.

Samantala, nagsasagawa naman ang kanilang opisina ng mga symposium, pagpupulong kasama ang mga Barangay Captains at pagmamanman sa mga hinihinalang personalidad na sangkot sa ilegal na droga.