Nangako si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na bibilisan at hihigpitan ang disiplina sa Kamara sa muling pagbubukas ng sesyon bukas, Lunes, Enero 26, 2026.
Target ng mababang kapulungan, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na maipasa ang natitirang 36 na priority measures mula sa 48 LEDAC bills ng administrasyong Marcos.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, bibigyang-priyoridad ang mga repormang may direktang epekto sa pamilyang Pilipino, partikular na sa sektor ng agrikultura, kalusugan, edukasyon, at social welfare.
Kabilang sa mga tututukan ay ang mga amendment o susog sa Rice Tariffication Law, Universal Health Care Act, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at ang pagpapabilis ng pagtatayo ng mga silid-aralan.
“Alam namin na ang mga batas na may kinalaman sa pagkain, edukasyon at kalusugan ang pinakamadaling sukatin sa araw-araw na buhay ng mga tao, kaya doon kami magdodoble-kayod,” pahayag ni Rep. Marcos.
Binigyang-diin sin ni Majority leader na sa nakalipas na mga sesyon, nakapasa na ang Kamara ng 12 LEDAC measures at mahigit 80 iba pang panukala, kaya kampante siyang mapapanatili ang bilis ng pagtatrabaho para sa kapakanan ng publiko.
Inilabas din ni Majority Leader Marcos ang iba pang mahahalagang panukala sa ilalim ng LEDAC na target tapusin ng Kamara.
Kabilang dito ang Anti-Political Dynasty bill, Party-list System Reform Act, Cybersecurity Act, Right to Information bill, at ang pagbabawal sa mga kamag-anak ng opisyal sa mga kontrata ng gobyerno.
Kasama rin sa listahan ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, excise tax sa single-use plastics, at mga batas para sa digital payments at AI sa eleksyon.
Binigyang-diin ni Marcos na tututukan ng Kamara ang mahihigpit na deadline at mas mabilis na aksyon upang maihatid ang mga repormang inaasahan ng publiko. via| Bombo Analy Soberano










