DAGUPAN CITY- Isang lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation laban sa ilegal na droga madaling araw ng Enero 6, 2026 sa Barangay Buenlag, Binmaley, Pangasinan.

Madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang himpilan ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Office 1 (PDEA-RO1). Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto sa isang lalaking may 31 taong gulang.

Naaresto ang suspek matapos mahulihan sa aktong pagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer.

--Ads--

Nasamsam mula sa kanyang pag-iingat at kontrol ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu, na may kabuuang tinatayang bigat na 5.7 gramo at standard drug price value na ₱38,760.00.

Kasalukuyang inihahanda ng istasyon ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Pangasinan.