Dagupan City – Patuloy na sinusuri at minomonitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga taniman ng mangga sa Pangasinan na apektado ng peste.

Batay sa nakalap na datos, tinatayang 70% ng kabuuang taniman, na katumbas ng mahigit 700 ektarya, ang nasira.

Ang pinsala ay dulot ng pinagsamang epekto ng malakas na ulan at pag-atake ng peste, partikular ang kurikong, na naging sanhi ng malaking pagkaunti ng ani.

--Ads--

Dahil dito, hindi nakamit ang target na ani na 300 metric tons sa rehiyon, na nagdulot ng malaking epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa supply ng prutas sa merkado.

Bilang tugon sa sitwasyong ito, agad na inilunsad ang iba’t ibang intervention sa mga mango farms.

Kabilang dito ang pagsaspray ng mga pesticides at iba pang mga hakbang para kontrolin ang pagkalat ng peste, pati na rin ang pagbibigay ng teknikal na gabay sa mga magsasaka kung paano pangalagaan at pagalingin ang mga natitirang tanim.

Umaasa ang mga awtoridad at magsasaka na magsisimula ang unti-unting pagbangon at pagbuti ng ani mula Marso hanggang Hulyo, kasabay ng pagsunod sa mga tamang hakbang sa pangangalaga at pest management.