DAGUPAN CITY- Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese national at tatlong Pilipino sa isang operasyon laban sa human trafficking sa Barangay Baquioen, sa bayan ng Sual.

Nagresulta rin ito sa pagsagip sa sampung biktima, siyam sa kanila ay menor de edad.

Pinangunahan ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI-Special Task Force (NBI-STF) ang operasyon.

--Ads--

Ayon sa ulat, ang mga menor de edad ay ginamit sa mapanganib na trabaho gaya ng pagbubuhat ng pakain sa isda at pangangalaga sa mga fish cage sa Lingayen Gulf, habang ilan sa kanila ay dumanas ng sapilitang pagtatrabaho, utang na hindi nababayaran, at mga banta gamit ang baril.

Nadiskubre rin sa operasyon na dalawa sa mga menor de edad na nasagip ay buntis, at ang kanilang mga kinakasama ay nasa edad 22 at 23, bagay na maaaring magsilbing batayan para sa kasong statutory rape.

Ayon pa sa mga awtoridad, kontrolado ng mga Chinese national ang operasyon ng mga fish pen sa lugar, na bukod sa ilegal ay maaaring magdulot ng pinsala sa kalikasan at public utilities.

Iniharap na sa inquest proceedings ang mga suspek kaugnay sa kanilang mga paglabag.