CALIFORNIA, USA – Tatlo na ang naitalang nasawi sa Sacramento county dahil parin sa nagpapatuloy na wildfire sa California.
Ayon kay Bombo International Correspondent Prof. Gabriel Ortigoza, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ito ang pinakalatest update tungkol sa nangyayaring sunog. Bagamat sa ngayon aniya ay hindi pa napapangalanan ang mga ito.
Sa kasalukuyan, pinangangambahan na marami pang mga namatay dahil sa insidente na hindi pa nairereport.
Sa ngayon, 28 major fires ang naitala sa iba’t-ibang bahagi ng Northern at Southern California. Dagdag pa ni Prof. Ortigoza, pahirapan ngayon na apulahin ang wildfire dahil narin sa nararanasan nilang malakas ang hangin subalit mainit ang panahon kung saan ang temperatura ay umaabot ng 44 degrees Celsius.
Dahil dito, mabilis aniya ang pagkalat ng apoy at marami ang inililikas. Kuwento pa ni Ortigoza, dalawang linggo na ang nakakalipas simula ng maitala ang wildfire na nagmula sa kidlat.
Samantala, daan-daang mga bahay narin ang natupok ng wildfires na nagaganap sa Oregon state sa Estados Unidos. Ayon kay Gov. Kate Brown, limang bayan sa kanilang lugar ang winasak ng wildfire. Nagpatupad narin ng widespread evacuations. Sinabi ni Brown na posible ring may mga nasawi sa insidente, pero hindi pa nito tukoy ang bilang.