Dagupan City – Naaresto ang tatlong indibidwal sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng Pozorrubio Municipal Police Station dahil sa paglabag sa ilegal na droga.
Nakumpiska sa unang operasyon ang isang 37-anyos na lalaki ang isang gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱6,800.
Sumunod naman ang pagkakaaresto sa isang 41-anyos na tricycle driver na nakuhanan ng 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱10,200 habang sa ikatlong operasyon ay nahuli ang isang 36-anyos na lalaki na may isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6,800.
Sa kabuuan nasa mahigit 3 gramo ang nakumpiska na nagkakahalaga ng kabuuang mahigit 20 libong piso.
Kasalukuyang nakakulong naman ang mga suspek sa kustodiya ng kapulisan at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.










