Dagupan City – Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang tatlong indibidwal matapos mahuli sa umano’y pagbebenta ng ilegal na baril sa Barangay Lepa, Malasiqui, Pangasinan kamakailan.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos mabigong magpakita ng anumang dokumento na nagpapatunay na legal ang pagmamay-ari ng mga baril na kanilang ibinebenta.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang ilang uri ng armas kabilang ang mga rifle at pistol.
Narekober din ang dalawang kahon ng bala na naglalaman ng 100 piraso pati na ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Pinangunahan ng RMFB-3 Intelligence Section ang operasyon kasama ang Investigation Section, Tactical Support Company at 304th Maneuver Company.
Nakipag-ugnayan din ang mga ito sa Pangasinan Police Provincial Office, 105th Maneuver Company ng RMFB-1 at Malasiqui Municipal Police Station.










