Matagumpay na isinagawa ng Philippine Statistics Authority – Regional Statistical Services Office I (PSA-RSSO I) ang 2nd Level Training para sa April 2025 Consumer Expectations Survey (CES) sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng La Union.

Layunin ng CES na masukat ang mga inaasahan ng mga konsyumer sa ekonomiya, na magbibigay ng mahalagang impormasyon para sa paggawa ng mga polisiya at desisyon sa bansa.

Nasa dalawang araw ito nilahukan ng ilang mga focal at alternate focal persons ng PSA sa probinsya at mga statistical researchers (SRs) mula sa apat na probinsya sa rehiyon.

--Ads--

Naging resource speakers dito sina PSA-RSSO I Statistical Specialist II May-ann N. Cacho, Statistical Analyst Uriel V. Patacsil at Assistant Statistician Mark Aljon S. Mamongay.

Ayon sa mensahe ni Regional Director Atty. Sheila O. De Guzman binigyang-diin nito sa mga SRs ang napakahalagang papel nila sa pagtiyak ng tumpak na pagkolekta ng datos, na siyang pundasyon ng tagumpay ng April 2025 CES.

Hinikayat nito ang mga dumalo na magsumikap para sa isang matagumpay na survey.

Nanawagan din ang PSA-RSSO I sa mga napiling sambahayan na aktibong makilahok at suportahan ang survey upang matiyak ang tumpak na pagkolekta ng datos.

Samantala, magsisimula na ang enumeration period ngayong araw na tatagal naman hanggang Abril 15, 2025.