DAGUPAN CITY–Patay ang 27 anyos na lalaki matapos barilin sa ulo ng mga armadong lalaki sa bayan ng Sta. barbara. Kinilala ang biktima na si Ranjit king Flores, 27 anyos at residente ng barangay Ventinilla sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay PMAJ Michael S. Datuin, OIC chief of police ng Santa Barbara PNP nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen na may isang shooting incident umano na nangyari sa likuran ng isang sabungan sa may tapat ng slaughter house sa barangay ventinilla ng nasabing bayan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, tinitignang motibo sa pagpaslang sa biktima ay may kinalaman umano sa pagkalulong nito sa sabong kung saan marami itong nautangan at hindi nababayaran bagamat sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa tunay na motibo sa krimen.
Napagalaman din ng awtoridad mula sa ilang mga residente na sakay ng dalawang motor ang humigit kumulang apat na armadong suspek na bumaril sa biktima.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng caliber 45 na baril.
Samantala di pa tukoy ng pulisya ang bilang ng tamang tinamo ng biktima dahil ongoing pa rin ang isinasagawang autopsy dito.