Dagupan City – Nagtapos ang nasa 24 na indibidwal sa bayan ng Sison sa libreng training program on driving (NC II) na inorganisa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ginanap ang simpleng ngunit makabuluhang seremonya ng pagtatapos kamakailan sa ikatlong palapag ng Sison Municipal Hall.
Ang pakikipagtulungan sa TESDA ay isang mahalagang hakbang sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Sisonian.
Nakakuha ng mga sapat na kasanayan, kaalaman, at kwalipikasyon ang mga bagong NC II certified drivers upang mapabuti ang kanilang buhay.
Patunay ang sertipiko ng kanilang kahandaan sa paghahanap ng trabaho o pagsisimula ng sariling negosyo.
Dahil dito, nagpasalamat ang alkalde sa TESDA sa patuloy na pagsuporta sa Sison at sa pagbibigay ng makabuluhang programa na nagbabago ng buhay ng mga mamamayan.
Umaasa ito na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng munisipyo at TESDA upang mas marami pang mamamayan ng Sison ang makinabang sa mga ganitong programa.