Mga kabombo! Isa ka ba sa mga mahilig mag-prank para sa views?
Ingat ka baka matulad ka sa nangyari sa isang content creator.
Paano ba naman kasi, usap-usapan ngayon sa social media at sa mga balita ang isang 24-anyos na ina matapos hatulan ng korte sa Sweden dahil sa isang viral TikTok video kung saan ginamit umano niya ang kanyang anak sa isang “egg prank.”
Sa nasabing video na kinunan pa noong 2023, makikita ang ginang na sinabing magluluto raw sila ng apple cake kasama ang kanyang anak, bilang bahagi ng content nila sa TikTok. Ngunit sa gitna ng kasiyahan, bigla nitong binasag ang itlog sa noo ng bata — ikinagulat at ikinasakit ng bata, habang tila natatawa pa ang ginang sa camera.
Bagamat maraming magulang sa buong mundo ang nakisali sa nasabing “egg prank” trend, tila hindi ito tinanggap ng publiko sa Sweden. Umabot sa 100,000 views ang video, ngunit isang concerned viewer ang nagsumbong sa mga awtoridad, na agad namang naglunsad ng imbestigasyon.
Ayon kay Cecilia Andersson, ang piskal na humawak sa kaso, “Hindi mo basta-basta ginagawa ‘yan sa isang bata. Ang irekord siya habang pinapahiya at ibrodkas pa sa libu-libong tao ay lubos na nakabababa ng dangal.”
Depensa ng ina, sumali lamang siya sa uso sa TikTok at wala raw siyang intensyong manakit. Ngunit ayon sa korte, hindi ito sapat na dahilan upang maisantabi ang epekto ng ginawa niya sa bata.
Noong nakaraang buwan, idineklara ng Helsingborg District Court na guilty ang ina sa kasong harassment. Siya ay pinagmulta ng SEK 20,000 (katumbas ng humigit-kumulang P120,000), na ibibigay bilang danyos sa kanyang anak.
Isa na namang paalala ito sa mga magulang na hindi lahat ng “uso” sa social media ay dapat gayahin — lalo na kung ang kapalit ay dignidad at emosyon ng mga bata.