Napagkalooban ng pardon ang nasa 220 Pinoy na nakadetine sa United Arab Emirates (UAE) sa pagdiriwang ng 53rd National Day ng Gulf State.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pamahalaan ng UAE ay tradisyunal na nagkakaloob ng pardon upang ipagdiwang ang national day nito tuwing Disyembre 2.
Ang mga pinatawad na Pinoy ay nakakulong sa UAE dahil sa iba’t ibang kasalanan.
Ang pardon para sa mga Pilipino na inanunsiyo noong Dec. 26, 2024, ay ipinagkaloob sa harap ng mabuting pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Sa kasalukuyan ay pinoproseso ng DFA at ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang documentary at administrative requirements para sa kaagad na pag-uwi ng mga pinatawad na Pinoy.
Matatandaan Hunyo ng nakaraang taon, binigyan din ng pardon sa pagdiriwang ng Eid al-Adha ang nasa 143 Pinoy na nakakulong sa nasabing bansa.