Naging mapayapa at maayos ang paglilibing sa 21 sundalo ng Israel Defense Forces na nasawi kabilang ang isang Pilipino sa nagpapatuloy na girian ng Israel at Hamas.
Ayon kay Shay Kabayan, ang Bombo International News Correspondent sa Israel, marami sa mga samahan ng mga Pilipino maging ang embassy ang nakiisa sa paghahatid sa huling hantungan ng mga nasawing sundalo at upang bigyang pagkilala ang sakripisyo ni Sergeant First Class (Reserves) Cydrick Garin, 23 anyos.
Sa tulong ng embahada at ng pamahalaan ng Pilipinas, bumiyahe pa-Israel ang ama ni Garin upang saksihan ang libing ng kaniyang anak.
Bukod sa 21 na mga nasawing sundalo, ilan pa rito ang nasugatan at ayon pa kay Kabayan, hindi pa matukoy kung matatapos pa ba ang nagpapatuloy na gyera dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa pinapakawalan ang mga bihag.
Mahigit kalahating bilang pa aniya ng mga Israelis ang nananatiling bihag ng Hamas.
Bagamat hindi na gaya ng dati, hindi pa rin aniya natatapos ang pagpapalitan ng mga bomba sa iba’t ibang dako ng
kanilang bansa.