Dagupan City – Pinagsabay ang trabaho at pagrereview.
Ito ang naging journey ng isang 2025 BAR Passer na tubong Pangasinan.
Ayon kay Atty. Madylaine Krizia Amor Buan, labis ang kagalakan nito nang malaman na siya ay nakapasa sa 2025 BAR Exam.
Aniya, sa wakas ay nakakahinga na siya matapos ang apat na buwan ng masinsinang pagsusulit at pagre-review.
Isa sa naging inspirasyon niya sa pagkuha ng kursong abogasya ay ang kaniyang karanasan sa trabaho sa Senado, kung saan napapaligiran siya ng mga abogado.
Bagama’t hati ang oras niya sa trabaho at pagre-review, nanatili aniya siyang nakatuon sa kaniyang mga layunin at maingat sa pagpaplano ng oras.
Isa rin sa kaniyang naging sandata at malaking tulong sa pag-aaral ay ang suporta mula sa pamilya, kaibigan, at mga katrabaho.
Ayon kay Atty. Buan, bahagi ng kaniyang routine sa review ang patuloy na pag-aaral, pagbibigay ng oras at pag-aalaga sa sarili upang hindi mapagod.
Pag-amin niya, madalas siyang umiiyak at hinahayaan ang sarili na iproseso ang lahat ng sitwasyon.
Isa naman sa pinakamahalagang payo niya sa mga susunod na kukuha ng BAR Exam na dapat ay maging malinaw ang kanilang layunin at hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa mga taong naniniwala sa kanila.
Sa kasalukuyan plano ni Atty. Buan matapos ang pagpasa ay ipagpatuloy ang kanyang trabaho sa gobyerno.










