Dagupan City – Nasugatan ang tatlong indibidwal matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa isang intersection sa bayan ng Villasis.
Nangyari ang insidente bandang 7:00 ng gabi sa kanto ng Villasis-Malasiqui National Road at By-Pass Road sa Barangay Barraca.
Sangkot sa aksidente ang isang puting motorsiklo na minamaneho ng isang 23-anyos na lalaki, kasama ang kanyang 34-anyos na back rider, kapwa residente ng Villasis.
Nakabanggaan nito ang isang itim na motorsiklo na minamaneho ng isang 29-anyos na lalaki na residente ng Marikina City.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na ang V1 ay bumabagtas patungo sa kanluran habang ang V2 naman ay patungo sa hilaga.
Pagdating sa intersection, tumawid ang V2 sa national road at bumangga sa V1 na nasa westbound lane.
Dahil sa banggaan, nagtamo ng sugat ang parehong driver at ang back rider ng V1 kung saan agad silang dinala sa Urdaneta District Hospital para sa lunas.
Parehong nasira ang mga motorsiklo at kasalukuyang nasa kustodiya ng Villasis MPS para sa kaukulang imbestigasyon.










