Naaresto ang dalawang indibidwal matapos mahuli sa paglabag sa mga batas trapiko at tangkang suhulan ang mga pulis sa isang checkpoint sa Barangay Amagbagan sa bayan ng Sison dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Nagsimula ang insidente nang parahin ng mga tauhan ng Sison Municipal Police Station ang isang motorsiklong lulan ng dalawang indibidwal dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Sa pagsusuri, natuklasan na ang drayber ay wala ding dalang lisensya at kapwa sila nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Habang inaasikaso ang pagbibigay ng violation ticket, tinangkang suhulan ng isa sa kanila ang mga pulis para palayain sila.
Ngunit agad itong tinanggihan ng mga awtoridad. Dahil dito, nagpakita ng hindi magandang asal ang back rider – kinwestyon niya ang awtoridad ng mga pulis at bumibitaw ng hindi magandang salita laban sa kanila.
Patuloy na nagpakita ng pagiging agresibo at hindi magandang asal ang mga suspek sa kabila ng pagsuway ng mga otoridad upang kumalma.
Kaya naman sila ay agad na hinuli at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Article 151 (Resistance and Disobedience to Person in Authority) at Article 212 (Corruption of Public Officials) ng Revised Penal Code, pati na rin sa RA 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009 na may itinakdang piyansa para sa kanila na umabot sa PhP33,000.
Ayon sa ulat ng kapulisan, ang insidenteng ito ay paalala na walang sinumang makakaiwas sa batas.
Patuloy na nagsasagawa ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas ang kapulisan ng Sison para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada.










