DAGUPAN CITY- Tinuruan ng First Aid at Basic Life support ang nasa 180 mga cottage owner mula sa mga barangay ng Sta. Maria East at Fianza sa Puyao Picnic Ground sa bayan ng San Nicolas

Bahagi ito ng puspusang paghahanda ng lokal na pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga bisita sa inaasahang pagdasa ng mga turistang dadako sa lugar.

Pinangunahan nina MDRRMC Chairperson Mayor Alicia Primicias-Enriquez at MDRRM Officer Shallom Gideon B. Balolong ang pagsasanay sa emergency response sa tanyag na tourist spot.

--Ads--

Nahati sa limang grupo ang mga kalahok upang masigurong mabibigyan ng sapat na atensyon ang bawat isa.

Layunin ng pagsasanay na ito na bigyan ng kakayahan ang mga cottage owners na magbigay ng agarang tulong sa mga turista na maaaring makaranas ng aksidente, gaya ng pagkalunod, pagkadulas, o iba pang hindi inaasahang pangyayari.

Ayon sa alkalde ng bayan na ang mga cottage owner na may training sa first aid at basic life support ay maaaring magbigay ng agarang tulong at pag-aalaga na maaaring makaligtas ng buhay.

Ang pagkakaroon ng sapat na kasanayan sa first aid ay nagbibigay ng tiwala sa mga bisita na sila ay ligtas sa kanilang pagbisita sa nasabing tourist destination.

Dagdag pa niya, ang pagsasanay na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa Puyao Picnic Ground, na nagpapataas din ng reputasyon nito bilang isang ligtas at kaaya-ayang destinasyon para sa turismo.

Sa pamamagitan ng paghahanda at pagsasanay, inaasahan na magiging mas ligtas at mas kasiya-siya ang karanasan ng bawat turista sa Puyao Picnic Ground.