Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang 15 mula sa 60 na baboy na ipinasok sa bayan ng Mapandan, Pangasinan mula sa Bulacan.
Ayon kay Provincial LegaL officer Atty. Geraldine Baniqued, nagpatawag ng press briefing si Pangasinan gov. Amado Pogi Espino lll upang ipabatid na sa susunod na mga araw ay kailangan nang ipatupad ang ground zero sa barangay Baloling, Mapandan.
Sinabi ni Baniqued na kailangang ipatupad ng lokal na pamahalaan ang pagpatay sa mga alagang baboy bilang bahagi ng protocol na ipinatutupad ng Department of Agriculture para tuluyang makontrol ang pagkalat ng ASF virus sa nasabing bayan.
Una rito, umaabot sa animnaput limang buhay na baboy na galing sa Bulacan ang nakumpiska ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar dito sa lalawigan ng Pangasinan kamakailan.
Ang limang baboy na nasabat sa bayan ng Calasiao ay nag-negatibo sa test habang ang 15 sa 60 na mga baboy na dinala sa Barangay Baloling Mapandan ay nagpositibo sa ASF.
Kaugnay nito, ikinalungkot ni Pangasinan governor Amado Pogi Espino lll ang paglabas ng findings na apektado ng African Swine fever ang mga nakumpiskang mga baboy na galing Bulacan sa bayan ng Mapandan.
Matatandaan na naglabas ng Executive order 92 series 2019 si gov. Espino na nagbabawal sa pagpasok ng mga swine products dito sa lalawigan.