Sinampahan na ng kaso ang lalaking nanghalay sa sampung taong gulang na batang babae sa bayan ng Manaoag, Pangasinan.
Ayon kay police major Renwick Alamay, chief of police sa bayan ng Manaoag, base sa kuwento ng biktima tatlong taon na umanong hinahalay ito ng sariling tiyuhin.
Napag-alaman na nagsimula siyang halayin noong pitung taong gulang pa lang siya habang wala sa kanilang bahay ang kanyang ina at lola.
Dahil wala silang kasama sa bahay, malayang naisasagawa ng suspek ang panghahalay pagdating niya mula sa trabaho.
Nalaman na lamang ng kanyang ina ang panghahalay sa kanyang anak matapos na dalhin sa ospital ang biktima dahil sa pagkakasakit.
Giit ng hepe na isolated incident lang ito at ngayon lang nangyari ng kaso na hindi agad naireport.
Nabatid na hindi ito agad nakapagsumbong dahil tinakot umano siya ng suspek na nakilalang si Mike Cerdan, 25 anyos na siya ay papatayin at ang kanyang ina.
Ayon sa mga doktor na sumuri sa biktima, nakitaan umano ng laceration ang maselang bahagi ng katawan ng biktima.
Nadakip na ng mga otoridad ang suspek na nakuhanan pa ng dalawang pekete ng hinihinalang shabu.