‎Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Mangaldan ang Annual Investment Program at Annual Budget ng bayan para sa taong 2026 na nagkakahalaga ng mahigit ₱539 milyon.

Ang pag-apruba ay isinagawa sa ika-25 regular session ng konseho noong Disyembre 22, 2025, matapos ang serye ng mga pagdinig kaugnay ng panukalang pondo para sa susunod na taon.

‎Bagama’t bumaba ng halos ₱10 milyon ang bahagi ng bayan mula sa National Tax Allotment, tumaas pa rin ang kabuuang badyet ng mahigit ₱37 milyon dahil sa inaasahang pagtaas ng koleksyon mula sa lokal na kita at mga economic enterprise.

Katumbas ito ng halos walong porsiyentong pagtaas kumpara sa pondo noong 2025.

‎Ilalaan ang badyet sa sahod at benepisyo ng mga kawani, gastusin sa operasyon ng mga tanggapan, development fund, disaster risk reduction and management fund, pagbabayad ng utang, scholarship grants, at mga programang pang-gender and development.

--Ads--

Inilipat din sa general fund ang ilang alokasyon upang mas mapalawak ang pondo para sa mga prayoridad na programa at proyekto.

‎Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang pagpapaganda ng pamilihang bayan, slaughterhouse at transfer facility, pagsasaayos ng mga kalsada at drainage canal, konstruksyon ng slope protection sa mga access road at farm-to-market roads, at paglalagay ng solar lights sa iba’t ibang barangay.

Sa kabila ng ilang pagbawas sa gastusin, inaasahang magpapatuloy ang maayos at episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko sa bayan.