Kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson na posibleng irekomenda ng kanyang komite ang paghahain ng kaso laban sa ilang senador at dating mambabatas na nahaharap sa imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na flood control scandal.

Ayon kay Lacson, kabilang sa mga posibleng kasuhan sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Chiz Escudero, pati na rin ang mga dating mambabatas na sina Zaldy Co, Bong Revilla, at Mitch Cajayon-Uy.

Ang mga indibidwal na ito ay tinututukan ng Senado dahil sa umano’y pagkakasangkot sa anomalya sa pondo para sa flood control projects.

--Ads--

Sa kasalukuyan, sinabi ni Lacson na apat lamang ang pumipirma sa draft at unofficial report ng komite matapos ang serye ng pagdinig na isinagawa nito.

Ayon sa kaniya, labing-isang pirma ang kinakailangan upang maiakyat ang report sa plenaryo at maiproseso ang rekomendasyon para sa posibleng legal na aksyon.

Ang Senate Blue Ribbon Committee ay kilala sa pagsisiyasat sa mga isyu ng korapsyon at katiwalian sa pamahalaan, at ang kasalukuyang imbestigasyon ay isa sa mga pinakamalaking kontrobersya ng taon dahil sa malaking halaga ng pondo na umano’y naabuso sa mga proyekto laban sa baha.