Posibleng hindi na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Czech Republic si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay Justice Secretary Frederick Vida matapos ang isinagawang press briefing sa Prague.
Ayon kay Vida, walang tiyak na garantiya ang panig ng Pilipinas na mananatiling nasa hurisdiksiyon ng Czech Republic si Co.
Sa tanong kung may posibilidad na nakalabas na si Co ng Czech Republic, diretsahang tugon ni Vida na posible.
Si Co ay nahaharap sa mga kasong korapsyon at malversation kaugnay umano ng mga iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa mga ulat, pansamantala siyang isinailalim sa immigration detention ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Sinabi ni Vida na kasalukuyang inaayos ang mga pagpupulong sa mga opisyal ng Czech, partikular sa Ministry of Justice, upang beripikahin ang impormasyon ng Pilipinas hinggil sa sinasabing detensyon ni Co at talakayin ang posibilidad ng kanyang pagpapauwi sa bansa.
Binigyang-diin din ng kalihim na igagalang ng Pilipinas ang mga proseso ng Czech Republic at ng European Union sa paghawak ng kaso.
Ayon pa kay Vida, isa sa pangunahing layunin ng delegasyon ay matukoy kung kailan at paano maibabalik si Co sa Pilipinas.
Kinumpirma rin ng DOJ na wala pang inilalabas na Interpol red notice laban kay Co sa kasalukuyan.
Dagdag pa niya, may mga karagdagang dokumentong dala ang kanilang team upang suportahan ang posibleng aplikasyon para sa red notice laban sa dating kongresista.










