DAGUPAN CITY- Matagumpay na inilabas ang Nationwide Showcase Caravan kaugnay sa PhilHealth Z-Benefit para sa mga piling orthopedic implants sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City, La Union.
Pinangunahan ng Philippine Orthopedic Association (POA) sa pakikipagtulungan ng Philippine Hip and Knee Society (PHKS).
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa benepisyong hatid ng Z-Benefit package ng PhilHealth, partikular sa mga pasyenteng nangangailangan ng joint replacement implants gaya ng balakang at tuhod.
Bukod sa pagbibigay impormasyon, layunin din ng caravan na hikayatin ang iba pang ospital na maging accredited o contracted facility para sa naturang programa, upang mas maraming pasyente ang makinabang, lalo na ang mga senior citizen at kapos sa gastos medikal.
Sa kasalukuyan, 11 pa lamang ang accredited na ospital sa bansa para sa programang ito, kung saan ang ITRMC ang tanging pasilidad sa buong Rehiyon Uno na kinikilala sa pagbibigay ng nasabing serbisyo.
Mula nang ma-accredit ang ITRMC noong 2022, umabot na sa 380 ang naitalang joint replacement procedures na isinagawa rito, katumbas ng mahigit Php27 milyon na bayad ng PhilHealth para sa benefit claims.