Itinaas ng PAGASA ang Yellow Rainfall Warning sa Zambales at ilang bahagi ng Bataan nitong Linggo ng gabi dahil sa patuloy na pag-ulan.
Batay sa Heavy Rainfall Advisory na inilabas pasado alas-11 ng gabi, posible ang pagbaha sa mga lugar na madaling bahain sa Zambales at sa mga bayan ng Dinalupihan, Abucay, Samal, Orani, Hermosa at Morong sa Bataan.
Inaasahan naman sa susunod na tatlong oras ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may paminsan-minsang malalakas na buhos ng ulan sa Laguna at ilang bahagi ng Quezon, kabilang ang General Nakar, Dolores, Candelaria, Tiaong, San Antonio, Sariaya, Real at Infanta.
Patuloy din na uulanin sa Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan at Metro Manila, gayundin sa ilang bahagi ng Bataan, Batangas, Cavite at Rizal.
Ayon sa PAGASA, maaaring magpatuloy ang mga pag-ulan at makaapekto sa mga kalapit na lugar sa loob ng tatlong oras.
Dahil dito, ilang lugar ang nagsuspinde ng klase ngayong Lunes, Agosto 17, bunsod ng masamang panahon. | via Bombo John Florez










