DAGUPAN CITY — Nagbahagi ng mga gabay si Hanz Cua, isang feng shui expert, para sa mas masaganang pagsalubong sa Chinese New Year 2026 o Year of the Fire Horse.
Ayon kay Cua, mahalagang magsimula sa pag-aalis ng mga sirang gamit tulad ng appliances, relo, basag na salamin at lumang lucky charms upang maalis ang negatibong enerhiya. Ang kulay asul ang itinuturing na lucky color ngayong taon dahil ito ang money o wealth element. Mainam din ang paglalagay ng horse lucky charm sa bahay o negosyo bilang simbolo ng tagumpay at victory.
Iminungkahi rin niya ang paghahanda ng 12 klase ng prutas bilang simbolo ng 12 buwang kasaganaan, kabilang ang pinya para sa prosperity, mansanas para sa harmony, mangga para sa suwerte, suha para sa kalusugan, at iba pa. Mahalaga rin ang noodles para sa longevity, tikoy para sa matatag na samahan ng pamilya, at isda bilang simbolo ng patuloy na pagdami ng ipon at biyaya.
Pinayuhan din ang pagsasagawa ng dragon o lion dance at pagpapanatiling maliwanag at masaya ang tahanan upang maitaboy ang malas.
Bago sumapit ang bagong taon, dapat ding ayusin ang mga utang at bayarin upang makapagsimula nang magaan.
Sa usapin ng negosyo, inaasahang magiging kompetitibo ang 2026 ngunit may oportunidad pa rin sa food-related business, electronics, teknolohiya at travel, habang maaaring bahagyang bumagal ang real estate.
Gayunman, binigyang-diin ng eksperto na gabay lamang ang mga ito. Nasa sipag, diskarte at tamang pagsisikap pa rin ang tunay na susi sa tagumpay ngayong Year of the Fire Horse.










