DAGUPAN CITY- Isinagawa ang ikalawang taon ng Kalutan ed Dalan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Manaoag kung saan umabot sa 99 na mesa ang lumahok at naitalang sold out bago ang mismong araw ng aktibidad.

Layunin ng programa na itampok ang mga gawaing pangkultura at palakasin ang pagkakaisa ng komunidad.

Ayon kay Jefferson Ching, Punong Barangay ng Barangay Poblacion, Manaoag, naging maayos ang daloy ng pagtitipon sa tulong ng mga opisyal ng barangay, mga kinatawan mula sa sektor ng edukasyon, at iba’t ibang grupo na nakiisa sa paghahanda.

Tatlong entablado ang itinayo kung saan may mga live band na nagtanghal.

Dumalo rin ang ilang opisyal mula sa lokal na pamahalaan at pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan upang saksihan ang aktibidad.

Naging maaliwalas ang panahon kumpara noong nakaraang taon na inulan ang pista.

--Ads--

Inaasahang magtatapos ang programa hanggang madaling araw habang nakabantay ang mga kinauukulan para sa kaayusan at seguridad.

‎Binisita ni Domyciano Ching, Municipal Vice Mayor ng Manaoag, ang ginanap na Kalutan ed Dalan sa Barangay Poblacion upang personal na obserbahan ang daloy ng aktibidad at makiisa sa mga residente na dumalo.

Nauna nang pinangunahan ng punong barangay ang pagsisimula ng programa sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.

Patuloy namang minomonitor ng mga kinauukulan ang mga ganitong pagtitipon upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

‎‎Nakaantabay naman ang Eagle Response Team sa aktibidad ng Kalutan ed Dalan na ginanap sa Barangay Poblacion sa bayan ng Manaoag upang tiyakin ang kaligtasan ng mga dumalo.

Labinlimang personnel ang itinalaga sa lugar para sa seguridad at serbisyong medikal.

Ayon kay Marco Lagasca, Municipal Director ng Eagle Response Team, nakatuon ang kanilang grupo sa pagbibigay ng first aid at pagpapatupad ng traffic regulation upang mapanatili ang maayos na daloy ng tao at sasakyan.

Nakahanda ang mga kagamitang medikal tulad ng gamot, wheelchair, at rescue board para sa agarang responde. Wala namang naiulat na insidente sa kabuuan ng aktibidad, ayon sa ERT.