Binigyang-diin ni Komisyoner Reggie Cruz, EdD, PhD — Komisyoner sa Wikang Kapampangan at Komisyoner din sa Komisyon sa Wikang Filipino ang kahalagahan ng patuloy na pagpapayabong at paggamit ng wikang pambansa bilang bahagi ng pambansang pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
Sa kanyang pahayag, binigyang-halaga ni Kom. Cruz na ang wika ay hindi lamang paraan ng komunikasyon kundi isang salamin ng ating pagka-Pilipino.
Aniya, napakahalaga bilang Pinoy na magunita natin na mayroon tayong wikang pambansa at sariling identidad.
Mahalaga itong gunitain dahil nagbibigay ito ng pagkakakilanlan na bahagi ng ating pagkatao.
Dagdag pa niya, hindi lamang tuwing Buwan ng Wika sa Agosto dapat pinapahalagahan ang wika, kundi araw-araw itong dapat isabuhay at gamitin sa iba’t ibang larangan ng buhay.
Saad pa niya, nananatiling mahalaga ang papel ng kabataan sa direksyon ng pagpapayaman ng wika.
Kaya’t maganda na binibigyang-pansin ng kabataan na may sariling pagkakakilanlan ang ating bayan na dapat nilang malaman at isabuhay.
Bagamat dumarami ang mga kabataang yumayakap sa banyagang wika, positibong ibinalita ni Cruz na may mga bansang kinikilala na rin ang wikang Filipino, at kabilang ito sa mga rehistradong wika sa ilang international dictionaries patunay ng pag-angat ng ating wika sa pandaigdigang antas.
Paalala naman nito sa publiko na patuloy na mangarap para sa buhay, sarili at pamilya pero huwag kaligtaang mangarap para sa ating bansa.
Sa ating sistema, tayo ay nabubuhay sa mundo pero may sarili tayong personalidad kaakibat nito ang ating wika at indibidwalidad.
Hinimok niya naman ang lahat, lalo na ang kabataan, na ipagpatuloy ang paggamit, pagpapalaganap, at pagpapayaman sa wikang pambansa, sapagkat ito ay pundasyon ng ating pagkabansa at pagkatao.