DAGUPAN CITY- ‎Isang mahalagang pagpupulong ang dinaluhan ni Police Lieutenant Jailine D. Aquino, Women and Children Protection Desk Officer ng Dagupan City Police Station, sa ginanap na conference ng Local Council for the Protection of Children o LCPC.

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa Women’s Center na matatagpuan sa Poblacion Oeste, Dagupan City.

Sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Brendon B. Palisoc, Chief of Police ng Dagupan CPS, layunin ng pagpupulong na mas pagtibayin ang ugnayan ng iba’t ibang ahensya para sa higit na proteksyon ng kababaihan at kabataan sa lungsod.

--Ads--

Tinalakay sa pulong ang mga kasalukuyang isyu at mga hakbang upang mapabuti pa ang mga programa at serbisyong ibinibigay para sa mga batang nasa panganib, kabilang na ang mga biktima ng pang-aabuso at kapabayaan.

Ang aktibong partisipasyon ng kapulisan sa mga ganitong inisyatibo ay patunay ng kanilang pangakong maging katuwang sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan at kabataan sa komunidad.