Fidel V. Ramos

Iniutos ni Pangasinan Gov. Ramon Guico III ang paglalagay sa half mast ng watawat ng Pilipinas sa lahat ng provincial offices kasabay ng pagluluksa ng bansa sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Iniutos din niya na magpasa ang Sangguniang Panlalawigan ng isang resolution na nagpapaabot ng pagdadalamhati at pakikiramay sa pamilya ni Ramos.

Sinabi ni Guico na ikinagulat at ikinalungkot niya ang balitang pagpanaw ni Ramos.

--Ads--

Binigyang diin niya na dapat maging proud ang lahat ng Pangasinense dahil minsan ay naging pangulo ng bansa si Ramos na mula rin sa ating lalawigan.

Saad ni Guico bata pa siya noon nang maging pangulo ng bansa si Ramos ngunit nababalitaan na niya na ginawa nitong tiger economy ang bansa at ini angat ang antas ng bansa upang maging competitive.

Namatay si Ramos sa Makati Medical Center nitong Linggo dahil sa komplikasyon.

Si Ramos ay ika-12 Presidente ng Pilipinas na nagsilbi noong 1992 hanggang 1998.