Dagupan City – Naaresto na ng Dagupan City Police Office ang matagal nang pinaghahanap na si Michael Garcia Edades, isang suspek sa robbery hold-up at pagpatay kay Loretta Antonio, isang kilalang money changer sa lungsod, noong 2013.

Ayon kay PCol. Orly Z. Pagaduan, City Director ng DCPO, madaling araw ng Nobyembre 19, 2025 nang maaresto ang suspek sa Barangay Mangin, Dagupan City.

Matagal nang nakatakas si Edades habang ang tatlo pa niyang kasama sa krimen ay nauna nang nalagay sa kustodiya ng mga awtoridad.

--Ads--

Sa imbestigasyon, lumabas na ang grupo ay may kinalaman sa pagpatay kay Loretta Antonio matapos ang insidente ng pagnanakaw.

Natagpuan noon ng IDG Pangasinan ang mga pagkakakilanlan ni Idades at iba pang identification cards sa bag ng biktima nang maaresto ang itinuturong mastermind na si Rolando Garcia.

Ayon kay PCol. Pagaduan, nagsilbing mahalagang ebidensya ang mga dokumentong natagpuan upang maiugnay si Idades sa krimen.

Binigyang-diin pa niya na matagal nang minamatyagan ng kanilang barangay intelligence network ang kilos ng suspek.

Sa patuloy na pagsusuri ng mga pinagmulan ng arrest warrants at sa pagtutok sa mga posibleng taguan, nakakuha sila ng lead na nagresulta sa matagumpay na operasyon.

Inilarawan ng pulisya na tila kampante si Edades at naniniwalang hindi na siya matutukoy dahil sa tagal ng kanyang pagtatago.

Gayunman, nang kanilang kumpirmahin ang kanyang pagkakakilanlan, agad nilang ipinatupad ang mga nakabinbing warrants laban sa kanya.

Samantala, tumanggi umanong magbigay ng pahayag si Idades at piniling gamitin ang kanyang karapatang manahimik habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy namang pinaigting ng Dagupan City Police Office ang kanilang operasyon upang matiyak na ang mga katulad na kasong matagal nang nakabinbin ay mabibigyan ng hustisya.