DAGUPAN, CITY – Kulungan ang bagsak ng isang 34 anyos na lalaki at ikinukunsidera ng Malasiqui PS bilang wanted person dahil sa kasong attempted homicide.
Ayon kay Malasiqui COP PLT/COL. Jose Abaya II, matagal na nilang minamanmanan ang naturang suspek na kinilalang si Venencio Calimlim, 34 taong gulang, single, high school graduate, walang trabaho at residente sa brgy. Lokeb Sur ng nasabing bayan.
Saad ng opisyal na nangyari ang naturang insidente noon pang nakaraang taon habang ang suspek ay nag iinuman sa kalsada at naglalakad lamang sa mga sandaling iyon ang biktima.
Sa kanilang nakalap na impormasyon, matagal na umanong may alitan ang suspek at biktima. Nang sila ay magtagpo sa naturang lugar, naungkat ang kanilang hidwaan at bigla na lamang kumuha ng itak ang suspek saka pinagtataga ang biktima.
Giit ni Abaya, hindi ito ipinaalam sa kanilang himpilan at nagkaroon lamang ng pag uusap sa kanilang brgy. ngunit ng makitang hindi pa din magawang magka ayos ang suspek at biktima, nag file ang biktima ng kaso sa Municipal Trial Court ng Malasiqui.
Matagal nang minamanmanan ng kanilang mga operatiba ang naturang suspek at mula sa bisa ng warrant of arrest, naisakatuparan ang pagdakip. Nakasaad sa warrant of arrest, mayroong recommended bailbond o piyansa ang suspek na nagkakalahalaga ng 36K pesos.
Sa ngayon, nanatili sa kustodiya ng Malasiqui PNP ang naturang suspek at kumakaharap sa kaukulang kaso.
Paalala naman ni Abaya sa publiko na maging responsable pa din sa pag inom ng alak dahil kapag napa sobra, tiyak na aabot sa aberya.









