DAGUPAN CITY- Mulat din sa katotohanan at nagsasawa na rin sa lumalalang kurapsyon ang mga estudyante dahilan ng pagdami ng mga isinasagawang ‘walk-out rally’.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Brell Lacerna, Spokesperson ng College Editors Guild of the Philippines, hindi na sapat para sa mga mag-aaral na manatili sa loob ng paaralan habang tinitiis ang lumalalang kurapsyon sa edukasyon, imprastraktura, at iba pang aspeto.
Aniya, ‘historical’ na ang ganitong aktibidad sa mga unibersidad kahit pa man hindi talaga ito pinapayagan.
Nagbubunga ito ng takot sa mga namamahala ng paaralan at estado ng gobyerno dahil handang lumiban ng klase ang isang mag-aaral upang maipahayag ang kanilang damdamin.
Kabilang na sa idinadaing ng mga kabataan ay nagiging prebelihiyo ang pag-aaral at hindi na ito nagiging karapatan pa.
Gayunpaman, ani Lacerna, hindi nawawala ang mga ‘consequences’ sa mga mag-aaral na nakikilahok sa walk out rally, katulad na lamang sa pag-redtag sa kanila at pinapatawan ng expelsion.
Samantala, kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) ang ganitong gawain ng mga kabataan bilang isang karapatan o freedom of expression.
Giit niya na hindi dapat minamaliit ang mga estudyante sa kanilang pagpapahayag ng saloobin dahil marami na ang nagsasawa sa bulok na sistema.
Hindi ito nangangahulugang pagiging pabaya ang mga etudyante sa pagkatuto bagkus pagtinding nila kontra sa tumitinding represyon at opresyon ng kurapsyon sa lipunan.
Naniniwala si Lacerna na malaki ang impact ng walk-out rallies sa pagbabago, lalo na sa edukasyon na nababahiran ng katiwalian.
Aasahan pa aniya na dadami pa ang pagprotesta ng mga kabataan sa kani-kanilang paaralan hanggang hindi pa nawawakasan ang maling gawain ng mga namamahala sa paaralan at gobyerno.