Nilinaw ng legal counsel ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim mula sa Chua Lim & Associates na walang natanggap na anumang espesyal na trato ang Bise Presidente nang sumailalim ito sa pormal na booking procedure sa Quezon City Regional Trial Court.
Paliwanag ng abogado, nagpasa ang Bise Presidente ng kaniyang sariling larawan sa korte para sa kinakailangang rekord, habang maayos at pormal ding kinuha ang kaniyang mga fingerprint alinsunod sa umiiral na proseso ng batas.
Kasabay nito, pormal nang kinumpirma ni Lim na lifted o naisantabi na ang inilabas na warrant of arrest laban kay Duterte matapos itong matagumpay na makapaghain ng kaukulang piyansa para sa kaniyang kasong grave threats.
Ang naturang pagharap sa korte ay kasunod ng naunang paninindigan ng kampo ng Bise Presidente na pinalabas ni Lim, kung saan inihayag nito na anuman ang maging usapin sa hurisdiksyon ng kaso, walang intensyon si Duterte na takasan ang batas at patuloy nitong gagamitin ang lahat ng kaniyang legal na remedyo.
Dahil sa paghahain ng piyansa at pagdeposito sa kaukulang halaga sa hukuman, pansamantalang nakalaya at nakaiwas sa pagkakakulong ang Bise Presidente habang patuloy na diringgin ang merits ng kaniyang kaso.
Sa kabila ng pagrespeto sa proseso ng booking, nananatili naman ang panawagan at legal na posisyon ng kaniyang kampo na ipaglaban ang mga karapatan ng Bise Presidente hinggil sa mga isyu ng immunity at tamang proseso ng pagpapanagot sa mga impeachable officer.










