Mariing itinanggi ngayon ng Tourism Office sa bayan ng Bayambang ang kumakalat na balita kung saan bago umano makapasyal at masilayan ang tinaguriang pinakamataas na Bamboo structure ni St. Vincent Ferrer ay kinakailangan munang magbayad ng ‘entrance fee’ ang isang indibidwal.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rafael Saygo, tourism officer ng nabanggit na bayan, pinasinungalingan nito ang nasabing ulat. Aniya, libre at malaya ang publiko na masilayan ang naturang istatwa o ang tinaguriang prayer park sa Bayambang. Wala umano silang hinihingi na anumang kapalit, taliwas sa mga lumalabas na ulat na mayroon itong ‘entrance fee’.

Aminado naman ang opisyal na ikinabigla nila ang nalamang balita. Hindi umano nila ito inasahan lalo na’t ang imahe o istatwa ni St. Vincent Ferrer ay binuksan ng libre para sa publiko, mapa-turista man o deboto.

--Ads--

Matatandaan na Abril 5 ng ideklara ang istatwa ni St. Vincent bilang tallest and highest Bamboo structure sa Guiness World Record kung saan kasabay nito ang pagdiriwang ng ika – 400 na pagkakatayo ng St. Vincent Ferrer Parish at ika-405 na taong kapiyestahan ng Bayambang

Gawa sa kawayan at steel frame ang istruktura kaya naman hindi ito madaling mapatumba ng malakas na hangin. Inabot ng sampung buwan upang maipatayo ang istruktura at isa na rin sa mga maaring puntahan ng mga tao sa darating na Holy Week. Int. of Bombo Framy Sabado//Zona Libre Program