DAGUPAN CITY- Hindi katanggap-tanggap ang walang saysay na pagpaslang sa alagang hayop na wala namang kalaban laban.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Heidi Caguioa, President & Program Director ng Animal Kingdom Foundation, masakit para sa komunidad ng mga pet lover ang kamakailang walang awang pag paslang sa isang golden retriever na si Killua.
Sa kanilang pakikipanayam sa owner ni Killua, inihahanda na nila ang pagsampa ng kaso laban sa akusadong pumaslang sa kanilang alagang aso.
Aniya, malinaw na ipinagbabawal sa Republic Act no. 8485 o ang “Animal Welfare Law” ang pagpaslang sa anumang hayop na wala namang makatwiran na rason.
Sa kaso ng pag paslang sa aso, maaari umanong umabot sa hanggang 2 taon pagkakakulong at P100,000 na kabayaran na ipapataw sa nagkasala.
Para naman sa napabayaang mga alagang hayop, inatasan din umano ang lokal na pamahalaan na ipatupad ang nasabing batas sa kanilang nasasakupan.
Hindi aniya dapat pinapabayaan ang mga nai-impound na mga alagang hayop.
Kaugnay nito, isinusulong na din ng kanilang samahan ang batas na magpapalakas sa Animal Welfare Act.
Layunin nito na magkaroon ng dedikadong opisina na maghahawak sa polisiya at pagpapatupad ng mga batas para sa kalagayan ng mga hayop. Gayundin sa maayos na emergency response para sa mga alaga at makabilang ang mga ito sa evacuation program ng Local Government Unit.
Samantala, pakiusap naman ni Atty. Caguioa na ireport sa mga kinauukulang ahensya at magsampa ng kaso sa mga magkakasala upang mabawasan ang naitatalang animal cruelty sa bansa.
Maaari naman aniyang magpadala ng mensahe sa kanilang social media account na “AKF Animal Rescue” o kaya itawag sakanilang numero na 09399142403.
Panawagan naman niya sa mga non-pet owners, respetuhin ang kalagayan ng mga hayop.
Para naman sa pet owners, maging responsable sa mga alagang hayop upang hindi mapabayaang pakalat-kalat.