BOMBO DAGUPAN – Nadiskubre ang wala ng buhay na katawan ng isang lalaki sa mismong bahay nito sa bayan ng Aguilar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Mark Ryan Taminaya Chief of Police Aguilar PNP bandang alas 11 kahapon ng umaga noong maipaulat sa kanilang himpilan ang insidente na agad naman nilang tinunguhan.

Aniya nang sila ay makarating sa tirahan ng biktima ay nakahandusay ito patihaya at mayroong nakitang baril sa tabi nito.

--Ads--

Kung saan base sa isinagawang imbestigasyon at testimonya ng kaniyang mga kaanak at mga kapitbahay ay lumalabas na kinitil nito ang sariling buhay o di naman kaya ay aksidente lamang na nabaril ang sarili.

Kaugnay nito ay hindi na pina-autopsy ng kaniyang kaanak ang katawan ng biktima subalit kumbinsido na ang mga ito sa naging inisyal na imbestigasyon.

Gayunpaman ay nagsasagawa parin ang kanilang himpilan ng masinsinang pagsisiyasat upang walang makaligtaang detalye sa nangyaring insidente.

Hindi naman alam ng kaanak nito kung saan nakuha ng biktima ang nasabing baril ngunit may palatandaan na ito ay luma na.

Samantala, dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan ay nagpaalala naman ito sa kaniyang mga kababayan na laging mag-ingat at iwasan ang pagpapatakbo ng mabilis sa kakalsadahan.

Dagdag pa nito na patuloy ang kanilang himpilan sa paggawa ng kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.