DAGUPAN CITY- Kasalukuyang ipinapatayo ngayon sa Brgy. Calmay, Dagupan City ang isang bagong waitishn shed na magsisilbing silungan ng mga commuter na sumasakay ng bangka patungong lungsod.

Ang proyekto ay bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapabuti ang karanasan at kaligtasan ng mga pasahero.

‎Ayon kay Brgy. Capt. Jovencio Salayog, hindi lamang mga taga-Calmay ang makikinabang sa pasilidad. Maging ang mga residente mula sa mga kalapit na barangay na gumagamit ng bangka bilang pangunahing uri ng transportasyon ay inaasahang makikinabang dito.

Lalo na sa panahon ng matinding init o biglaang buhos ng ulan, malaking tulong ang pagkakaroon ng maayos na silungan habang naghihintay ng biyahe.

Ang proyekto ay pinondohan ng ₱300,000 mula sa Pamahalaang Panglungsod ng Dagupan.

--Ads--

Ayon sa mga opisyal, layunin nitong mas mapabuti ang mga pampublikong pasilidad, lalo na sa mga lugar na may limitadong access sa transportasyong panlupa.

Kasabay nito, isa pa sa mga kasalukuyang proyekto sa barangay ay ang paggawa ng elevated pathway o mga itinataas na kalsada na nag-uugnay sa mga kabahayan.

Target ng proyektong ito na mapigilan ang pagpasok ng tubig baha sa mga bahay tuwing may pag-ulan o high tide, na karaniwang problema sa mga mabababang lugar gaya ng Calmay.

Patuloy rin ang ginagawang regular na declogging sa mga kanal at estero sa paligid ng barangay.

Bahagi ito ng paghahanda ng barangay sa patuloy na pag-ulan ngayong linggo at sa mga susunod pang araw.

Ayon sa barangay, mas mabisa ang mga flood control measures kapag sabayan ito ng malinis na daluyan ng tubig.

Sa kabuuan, positibo ang tugon ng mga residente sa mga proyekto, na nakikitang konkretong hakbang upang mapaunlad ang kanilang komunidad.

Umaasa ang pamunuan ng barangay na sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatibo ay mas magiging ligtas, komportable, at maayos ang pamumuhay ng mga residente sa Calmay at mga karatig lugar.