DAGUPAN CITY- Dapat nang ibigay ng pamahalaan ang matagal nang hinihintay ng mga manggagawa na dagdag sahod, dahil sa mas lumalalang suliranin sa ekonomiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nice S. Coronacion, Deputy Secretary General, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), nais ipaabot ng kanilang grupo na dapat nang magkaroon ng wage increase dahil matagal na itong ipinanawagan ngunit hanggang ngayon tila hindi natutugunan.

Aniya, maagang nagsagawa ng kilos protesta ang kanilang grupo upang ipanawagan ang mga karatapatan ng bawat mangagagwa sa iba’t-ibang panig ng bansa.

--Ads--

Matagal na aniyang naghihintay ng mga manggagawa sa kanilang hinihinging dagdag sahod para sa lahat at napapanahon na upang ito ay matugunan.

Dahil na rin sa inflation, pagtaas ng presyo ng bilihin at transportasyon ay makikitang hirap ang mga simpleng mga mangagagawa na iraos ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Dagdag niya, hangga’t ang ating bansa ay walang industrial plan ay walang magegenerate na maayos at disenteng trabaho sa ating bansa.

Dapat rin aniya na pantay ang ratio ng mga manggagawa sa ino-offer na trabaho ng pamahalaan dahil isa itong indikasyon ng pag-unlad ng ekonomiya dahil sa consuming power na maibibigay rito.