Patuloy ang panawagan ng isang labor union sa kanilang inihaing petisyon kaugnay sa wage increase o pagtataas sa sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Julius Cainglet, Vice President for Research, Advocacy and Partnerships ng Federation of Free Workers, napapanahon nang taasan ang sahod ng mga manggagawa kasabay ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at nararanasang krisis.
Hiling nila ngayon ang dagdag na isang daang piso sa sahod dahil mismong sa pag aaral ng DOLE sa nakaraang dalawang taon, isang daang piso na ang ibinaba sa halaga sahod ng manggagawa kaya naman dapat na itong bawiin sa dagdag sahod na nawala sa dahil na rin sa partial inflation.
Aniya, noong nakaraang taon maraming manggagawa ang hindi nakapasok sa kanilang mga trabaho dahil sa pandemya at mayroon pang ‘no work, no pay’ na sa kabila nito marami namang manggagawa ang hindi nakatanggap ng ayuda at maituturing itong napakalaking sakripisyo sa kanila.
Saad pa ni Cainglet, dismayado din sila sa DOLE noong una silang naghain ng petisyon dalawang taon na ang nakakalipas dahil hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na magkaroon ng pagdinig sa wage increase.
Ngunit, mas lumakas naman umano ngayon ang kanilang paninindigan dahil mas marami ngayong labor groups ang sumang ayon din sa petisyon.