Dagupan City – Maigting na tinututukan ngayon ng Municipal Health office ng Mangaldan ang W.I.L.D Disease ngayong nakakaranas ng pag-ulan.

Ang W.I.L.D Disease ay kinabibilangan ng Water Borne, Influenza like virus, Leptospirosis at Dengue.

Napapanahon ang mga sakit na ito lalo na kapag rainy season.

--Ads--

Ayon kay Dr. Larry Sarito ang medical Officer ng nasabing opisina na sa nakalipas na mga bagyo ay nakapagtala sila ng mataas na mga kaso ng Water Borne Disease dahil sa mga kontaminadong tubig at pagkain, Influenza like virus dahil sa malamig na panahon, at Dengue sa pagdami ng lamok habang sa Leptospirosis ay mayroong isang suspected case.

Nakahanda naman ang kanilang opisina sa pagtulong sa mga residente sa bayan tuwing may nagpupunta sa kanilang opisina na agad nilang binibigyan ng gamot dahil kompleto naman sila sa mga gamot.

Samantala, nagbahagi naman ito ng kaalaman tungkol sa Dengue carrying mosquito na hindi pala sa mga maduduming lugar nagpapadami ang mga ito ngunit sa mga malilinis na tubig gaya ng mga tubig sa timba, sa faucet , sa batya at naiwang tubig sa lababo.

Dahil dito ipinaliwanag nito na kailangan iwasan ang mga sakit na Dengue lalo na kung saan sila nagpapadami kaya ugaliing malinis ang kapaligiran at isagawa ang 4 T gaya ng Taob, Taktak, Tuyo at Takip.

Pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri sa kanilang kalusugan at agad na kumonsulta sa doktor kung nakakaranas ng anumang sintomas ng W.I.L.D. Disease.