Dagupan City – Nananatili pa rin kay Vice President Sara Duterte ang panalo ayon sa desisyon ng Korte Suprema.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominic Abril, legal at political consultant, malinaw kasi aniya na nanaig ang textual na pag-unawa ng nakararaming mahistrado ng Korte Suprema kumpara sa minoryang bumoto laban dito.

Aniya, katanggap-tanggap ang mga posisyon ng magkabilang panig, ngunit sa huli, “numbers game” ito — at ang desisyon ng mayorya ang siyang masusunod.

--Ads--

Nilinaw din ni Abril na sa kabila nito ay dapat tingnan ang perspektibo na hindi pa rin tapos ang laban, dahil sa ginamit ang salitang “archive”, nangangahulugang hindi ito awtomatikong dismissal at sa katunayan ay pwede pa umanong buhayin.

Sa kabila naman ng posibilidad, tila “imposible” na rin ito aniya dahil sa dami ng bumotong pabor sa desisyon.

Ipinunto rin ni Atty. Abril na nagkaroon ng kalituhan sa publiko dahil sa bagong guidelines na inilabas ng korte, na ayon sa ilang constitutionalist ay tila pinalawak o “in-expand.”

Dito na rin niya binigyang diin na dapat ay magtiwala ang publiko sa integridad ng hukuman basta’t nakaangkla ito sa katotohanan at batas.

Bagamat may posibilidad pang mareverse ang desisyon, ito’y maari lamang kung may lalabas na bagong ebidensya — na sa ngayon ay tila wala pa.