Naniniwala ang batikang abogado na si Atty. Jojo Lacanilao na maaaring piliting dumalo si Vice President Sara Duterte sa ilang pagkakataon para sumagot sa ilang kontrobersiyal na isyung nakapaloob sa impeachment complaint laban sa kaniya.
Ayon kay Lacanilao, bagaman sapat na ang presensiya ng kaniyang mga abogado o kinatawan para humarap sa korte, may mga pagkakataon aniya na mas maipapaliwanag mismo ni VP Sara ang konteksto ng ilang isyu na iniuugnay sa kaniya.
Pangunahin dito aniya ang tax record at financial capacity ng pangalawang pangulo at ng kaniyang pamilya.
Ayon sa abogado, maaaring piliting dumalo si Duterte upang pagpaliwanagin kung bakit may pagkakaiba sa kaniyang tax record at sa kaniyang tunay na kayamanan, kasama na ang bank transactions na umabot ng ilang bilyon, batay na rin sa naunang naipakita sa House Justice Committee hearings.
Sa ganitong isyu, mas maiintindihan aniya ng publiko kung mismong ang pangalawang pangulo ang magpapaliwanag.
Gayunpaman, ang pagpilit sa pangalawang pangulo na dumalo ay nakadepende pa rin aniya sa pagpresenta ng House prosecution panel sa kanilang argumento dahil dito rin ibabatay ng impeachment court ang magiging desisyon nito.
Tiwala rin ang batikang abogado na kinalaunan ay ipapa-subpoena ng House panel ang kontrobersiyal na green box na naglalaman ng tax record ni VP Sara, kahit pa naibalik na ito sa opisina ng Bureau of Internal Revenue.
Ayon kay Lacanilao, na dating nagsilbing spokesperson ni Ex-Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong isinailalim sa impeachment proceedings ang dating punong mahistrado, ipinabalik lamang ito ng impeachment court dahil sa kawalan ng ‘costudial legis’ ng korte o walang legal na kostudiya sa naturang box










