Hindi kinakailangang personal na dumalo si VP Sara Duterte sa lahat ng pagdinig sa Senado, dahil ang impeachment ay hindi katulad ng isang criminal trial.

Yan ang binigyang diin ni Atty. Joseph Emmanuel Cera – Constitutional Law Expert/ Litigation Lawyer kasabay ng pag-convene ng senado bilang impeachment court.

Ayon kay Cera maaaring kumatawan ang mga abogado ng Bise Presidente basta’t may awtoridad mula sa kanya.

--Ads--

Dahil dito, ibinahagi ni Cera ang ilang mahahalagang aspeto ng proseso, kabilang ang inaasahang iskedyul ng pagsisimula ng trial proper at ang mga posibleng senaryo kung paano tatakbo ang kaso sa Senado.

Pagbabahagi ni Cera, ang pag-convene ng Senado bilang impeachment court ay isang pormal na hakbang na hudyat ng pagsisimula ng pamilyar na proseso sa ilalim ng Konstitusyon.

Bagama’t mabilis ang naging initial na pag-upo ng impeachment court, binigyang-diin niya na ang aktwal na trial proper ay nakadepende pa rin sa mga susunod na hakbang gaya ng pagsusumite ng mga sagot ng magkabilang panig.

Ipinunto niya na ang House prosecution panel ay inaasahang magsusumite ng kanilang reply sa loob ng itinakdang panahon, habang ang respondent na si VP Duterte ay hindi obligadong agad sumagot sa articles of impeachment, bagama’t maaari itong makaapekto sa bilis ng pagsisimula ng paglilitis.

Isa sa mga binigyang-linaw ni Cera ay ang pagbilang ng mga araw sa proseso. Ayon sa kanya, kung walang tahasang distinction sa rules, itinuturing itong calendar days, kabilang ang weekends at holidays.

Gayunman, kung ang deadline ay tumama sa hindi working day ng Senado, maaari itong ilipat sa susunod na working day.

Tinalakay din niya ang posibilidad na ma-late ang pagsusumite ng mga sagot at kung paano ito maaaring tanggapin ng impeachment court sa pamamagitan ng motion to admit, depende sa diskresyon ng Senado.

Ipinaliwanag din ng constitutional law expert ang kahalagahan ng pre-trial conference sa impeachment proceedings, kung saan tinutukoy ang mga ebidensiya, testigo, at isyung ilalatag sa paglilitis. Ito umano ang magsisilbing “blueprint” ng magiging daloy ng kaso.

Kapag natapos ang pre-trial, maaaring maglabas ang impeachment court ng pre-trial order bago simulan ang presentasyon ng ebidensya ng prosecution.

Tinalakay rin ang voting requirement sa impeachment trial, kung saan kinakailangan ang two-thirds vote ng lahat ng senador para ma-convict ang isang impeachable official. Sa kasalukuyang bilang ng 24 na senador, kinakailangan ang 16 na boto para sa hatol na guilty.

Binigyang-diin din niya na kahit may mga bakante o absent na senador, hindi nagbabago ang basehan ng bilang na kailangan para sa conviction.