Nahaharap ngayon si Vice President Sara Duterte sa mga reklamong kriminal na inihain sa Office of the Ombudsman, kabilang ang plunder at malversation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera Constitutional Law Expert/Political Analyst, binigyang-diin ni Cera na mabigat ang mga kasong isinampa dahil karaniwang naglalabas ng resolusyon ang Ombudsman kapag mataas ang antas ng “certainty of conviction.”
Binigyang-linaw din niya na kung umusad ang kaso, posibleng ma-detain ang mga co-respondent ng Pangalawang Pangulo habang tumatakbo ang proseso.
Ayon kay Cera, isa sa sentrong alegasyon sa reklamo ang umano’y kawalan ng tunay na recipient ng confidential funds.
Dagdag pa niya, kinakailangang patunayan kung mali ang pag-disburse o paggamit ng pondo upang magkaroon ng sapat na batayan ang kaso.
Tinalakay din nito ang umano’y kawalan ng partisipasyon ng Commission on Audit (COA) sa isyu.
Aniya, naglabas umano ng circular ang COA na nagbabawal sa paglalabas ng ilang impormasyon na maaaring kailanganin para sa imbestigasyon.
Gayunman, binigyang-diin ni Cera na initial step pa lamang ang mga reklamong inihain at nasa Ombudsman ang kapangyarihang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon.
Kasabay nito, binuksan din niya ang posibilidad na ma-review o mabuksan ang bank accounts ni VP Duterte kung ituturing ng Ombudsman na may kaugnayan ito sa imbestigasyon.
Magiging mahalaga naman ang magiging pahayag ng mga indibidwal na dawit sa kaso, ngunit aniya, “walang mako-consider na state witness” sa kasalukuyang yugto ng reklamo.










