Inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang ilang mambabatas ng muling pagbuhay sa umano’y mga imbestigasyong may bahid ng pulitika, na ayon sa kanya ay maaaring maging batayan ng isang impeachment case.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, wala umanong makapagsasabi sa ngayon kung may katotohanan ang mga paratang ng Bise Presidente laban sa mga mambabatas.
Aniya, mas nararapat pagtuunan ng pansin ng Pangulo at ng publiko kung nasaan na ang estado ng imbestigasyon at kung paano ito isinasagawa.

Taliwas sa pahayag ni VP Duterte na ito ay pagbubukas ng impeachment proceedings, ang mga isinampa laban sa kanya ay mga kasong plunder sa Office of the Ombudsman.

--Ads--

Ibig sabihin, ito ay isang ganap na criminal investigation at malayo sa isang impeachment case na kanyang ikinababahala.

Sa puntong ito, mas makabubuti raw para sa panig ng Bise Presidente ang pagtuon sa paghahanap ng ebidensyang maaaring magpabula o magpawalang-bisa sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

Dagdag pa ni Yusingco, kung titingnan sa isang anggulo, maaaring ikonsidera ang mga pahayag ni VP Duterte bilang isang uri ng PR stunt upang patibayin ang suporta ng kanyang mga tagasuporta.

Tungkol naman sa pahayag ng Bise Presidente na ginagamit ang isyu para sa political manipulation, sinabi ni Yusingco na kung pag-uusapan ang impeachment, likas na may political component ang proseso nito at maaari talagang maging politically driven ang intensyon ng mga gumagalaw nito.

Gayunpaman, ang ganitong mga paratang ay maaaring magdulot ng malawak na political ramifications na makaaapekto hindi lamang sa mga sangkot kundi pati sa mga institusyon ng pamahalaan. (Bombo Ciron Jay Puquis)